Santuario del Sto. Crsito Parish
November 30, 2022
Noong Ika-30 ng Nobyembre ng kasalukuyang taon ay ginanap ang Archdiocesan BEC Advent Assembly. Nagsimula ito sa ganap na ika-1 ng hapon sa pamamagitan ng panalangin na pinamunuan ni Sis. Agnes Llorca mula sa Bikaryato ng San Felipe Neri.
Ang unang tagapagsalita para sa nasabing gawain ay si Msgr. Claro Matt Garcia, mula sa parokya ng St. Alphonsus Mary de Liguori. Binanggit ni Msgr. Matt na mayroong mga espesyal na katangian ang BEC sa Archdiocese ng Manila. Ito ay ang “Alive, Alert, Awake, Enthusiastic”. Kinanta niya sa mga dumalo ang 4 na katangian na iyon sa tono ng “If you’re happy and you know it”. Nagbigay din siya ng mga aktibidad para sa mga dumalo bilang isang ehersiyo para tumaas ang kanilang enerhiya. Ang isa sa mga aktibidad ay ang “I’m Alive, Alert, Awake, Enthusiastic”.
Pagkatapos nito ay sinimulan na ni Msgr. Matt ang kanyang talk. Nagtanong siya tungkol sa mga bagong pari ng mga komunidad. Ang rason sa pagtatanong na ito ay kanyang ipinaliwanag. Sinabi nya na ang BEC daw ay ang simbahan sa parokya kaya dapat lahat ng mga ministeryo at organisasyon ay kumilos at tumulong sa pag-oorganisa at pagpapatatag ng mga BECs. Ipinaalala nya ang mga salita ni St. John Paul na “As Laity, you are called to build up the body of Christ, which is the Church. Jesus is the head while the Pope is the visible head. Build up small Christian communities where personal exchanges and the practice of fraternal love and solidarity can be more achieved.” Ipinalabas ang tanong na, “Sa BEC, mayroon ba tayong personal na pakikitungo sa isa’t – isa”. Sinabi ni Msgr. Matt na “Without Vision, the people will perish”. If the Church only has the vision of the Priest and of the people, it will not last. Iginiit niya na ang Parish Priest ang pastor at ang sumunod sa kanya ang mga tutulong sa kanya.
May ipinakitang slide na sinasabi na ang “BEC Programs should be taught and promoted more extensively in every parish, diocese … In the Ecclesiastical Province of Manila.” Kasunod ng slide na ito, pinakita na “Evangelizing is in fact the grace and vocation proper to the church – her deepest identity.”
Ang proseso ng Ebanghelisasyon na tinuro sa hapon na iyon ay ang mga sumusunod: Renewal of Persons, Renewal of Relationships as Brethren at Renewal of Structures.
Pagkatapos, tinawag si Sister Jenny para simulan ang kanyang pagsasalita. Ibinahagi niya ang mga aral na nakilala sa kanilang parokya ng anim na taon. Ang punto ng kanyang pagbabahagi sa oras na iyon ay ang pagbibigay halaga sa kasaysayan ng BEC para mas mainitndihan ito ng lahat. Ang kanyang kapwa pinuno ay ipinakilala ang kasaysayan ng BEC sa kanilang parokya. Ang BEC nila ay naitatag sa taon na 2016. Ang mga Sector Heads ay binigyan ng tungkulin na maging pinuno sa siyam na sector ng kanilang parokya. Bago ang BEC, karamihan sa mga miyembro ay hindi aktibo sa pagsisilbi sa Simbahan. Ngayon, matatag ang lakas ng kanilang BEC sa kanilang Parokya dahil inalay ng mga miyembro ang kanilang pagsilbi sa Diyos.
Bumalik ang atensyon kay Sister Jenny. Kasama niya ang kanyang kapwa miyembro sa pagpapaliwanag ng mga aral na natutunan: Fiat to the call, Importance of Fellowship, Compassion to our neighbors, Passion for Service, Unity & Perseverance in facing challenges, Humility & Courage and Prayerfulness.
Pagkatapos ay napunta naman sa bahagi ng programa na pinag-usapan ang layunin ng buhay. Ang layunin na ito ay ang pagkilala sa Diyos, pagmamahal sa Diyos, at ang pagsisilbi sa Diyos para makasama Siya. Binigyan diin dito ang kahalagahan ng pagkakaalam para maipagtanggol ang ating pinaniniwalaan upang makapagbahagi sa iba. Kapag mas marami ang ating alam, mas mapapamahal tayo sa Diyos. Sumunod ay pinag-usapan naman kung ano ang Adbiyento. Kung ano ang kahulugan nito at ang kahalagahan sa atin bilang mga Katoliko.
Ipinakilala ng nagsasalita ang 3P. Napag-usapan dito ang ilang mga bagay katulad ng paghahanda para sa pasko at ang paghahanda para sa pagbalik ni Kristo. Ang 3 P na ito ay ang: Paghahanda, Pag-aayuno at Panalangin
Inanyayahan ng mga tagapagdaloy ng palatuntunan na magkaroon ng personal na pagninilay tungkol sa mga narinig.
Matapos ang personal na pagninilay ay binigyan ng oras ang mga dumalo upang makakain.
Sinundan agad ito ng Christmas Fellowship ng BEC, mayroong walong bikaryatao ang nagpakita ng kanilang talento at agad na iginawad ang gantimpala sa mga nanalo. Sinimulan ang raffle segment, isa ito sa hinihintay ng mga dumalo. At nagkaroon ng ilang minutong paghahanda para sa pagdirwang ng Banal na Eukaristiya na pamumunuan ng kanyang kabunyian Jose F. Cardinal Advincula, Arsobispo ng Maynila. Sa kanyang homiliya, binanggit niya ang pagpapasalamat sa Diyos para sa kanilang pagtitipon sa misa bilang isang sambayanan. Nagpasalamat siya sa lahat dahil sa oras at paglilingkod nila. Sinabi na hindi madali ang kanilang misyon kaya madalas nabibigo ngunit sila ay nagpapatuloy pa rin sa kanilang pagsisilbi. Sa ebanghelyo narinig ang pagtawag ni Hesus sa kanyang unang mga alagad. Sila ay nabigyan ng misyon na hindi lamang manghuli ng isda kundi maging mangingisda din ng mga tao para kay Jesus. Iginiit niya na ang misyon ng isang alagad ay ang ipakilala si Hesus sa iba at ianyayahan na sundan ang tinatahak ni Hesus. Kanyang ulit ulit na sinabi ang kahalagahan ni Hesus sa pagpapalaganap ng misyon at ito ang tungkulin na binigay sa BEC.